Monday, April 22, 2013

Hulog ng Langit

April 21, 2013

Eto nga pala yung ibon na nakita ng tatay ko kaninang umaga. Nagulat ako kasi akala ko may burak o kung anumang wirdong bagay siyang hawak sa kamay niya. Yun pala, isang inakay ng ibon na nahulog daw galing sa bubong sa itaas na palapag ng bahay namin. Tila may isang maliit sa sugat ito sa ulo. 

Siyempre, nung binigay sa akin, parang sa akin na pina-alagaan ng tatay ko yung ibon na nahulog. Kumuha agad ako ng magsisilbing nest ng munting ibon.

Yung totoo, gustong gusto ko talagang matulungan itong maliit na nilalang na ito pero hindi ko alam kung paano ko sisimulan. Una, isa itong ibon, at hindi mammal. Ang ibig sabihin ay hindi ito sumususo sa ina, ibon nga kasi. Wala akong ideya kung paano ko bibigyan ng protina itong inakay na ito. Paano nga ba? Pero, binigyan ko pa rin siya ng gatas ngunit hindi naman nito magawang buksan ang sariling tuka. 

Ilang oras lamang ay napansin namin na nagsimula itong gumawa ng maliliit na tunog ng isang ibong kaya nilabas ko ito kung saan malaki ang posibilidad na makita ito ng iba pang mga ibon. Ano nga ba ang iniisip ko? Baka kasi sakaling may ibon na kumuha dito at sila na ang mag-aruga. Hindi ko na talaga alam kung anong gagawin ko. Tila hinang-hina na siya.

Ilang oras, binalikan ko ulit ang ibon. Sa kasamaang palad ay wala ng buhay ang dumadaloy sa katawan nito. Ang nakaka-awa pa ay nanatili itong nakatingin ito sa itaas, hindi ko alam kung bakit. Hindi ko alam kung may hinahanap ba ito o hanggang sa huli ay gumagawa pa rin ito ng maliit ng tunog upang mapansin ng ibang ibon. At wala akong nagawa.

Siguro, kung mabilis akong umaksyon at humanap ng paraan ay buhay pa rin ito ngayon. Ang tanging iniisip ko na lamang ay sana naging maayos at mapayapa ang pag-alis nito.

http://www.flickr.com/photos/33146679@N04/8669075854/
Ito ang itsura ng ibon ilang oras pagkatapos namin itong makita. 

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.